Fatalism sa Damuhan

Minsan may mga sandaling ginugulo ko ang aking sarili sa mga simple at halos walang saysay na bagay na naganap. Tama bang linlangin ko ang aking sarili sa paniniwalang lahat ng pangyayari sa buhay ng tao ay may kaakibat na simbolo, o dahilan, ika nga? Kung tama ang hinuha ko, pinaglapit nga talaga kami ng Maykapal. Iyong tipong saktong alas tres ng hapon, medyo mahangin, ‘di kainitan, inutusan ako ni ate na bumili ng Diphenhydramine sa botika. Suot ang paboritong dilaw na shirt, binagtas ko ang maluwang na damuhan patungong crossing. May mangilan-ngilang tao ng panahong iyon doon, nagpapalipad ng saranggola, nakaupo sa damuhan. Ang sarap isipin na noong mga sandaling iyon, tipong alas tres ng hapon, medyo mahangin, ‘di kainitan, sumama siya sa kaibigan niyang magpalipad ng saranggola sa naturang maluwang na damuhan. Suot din ang paboritong dilaw na shirt, habang sumasayaw ang kanyang pulang saranggola sa indayog ng hanging maligaya sa aming nalalapit na unang pagtatagpo, ako nama’y mabagal na lumalakad sa mga munting luntiang damo palapit sa kanya. Napatakbo siya patalikod habang hawak ang tali ng saranggola at sa pagkakataong sinadya ng inog ng mundo, nagtama ang aming mga balikad. Ayaw mo mang ituloy ko pa ang kwento dahil sa kakornihan ay itutuloy ko pa rin. Minsan dumarating siguro talaga tayo sa mga sandaling masarap maging korni at baduy. Kung tutuusin halos kalahating porsyento ng panitikan at sining ay nabuo dahil udyok ng kakornihan at kabaduyan ng pag-ibig, ayaw mo mang aminin ito.

Nagtama ang aming mga paningin. Ang aking hinuha‘y namasdan ko na ang mukha at mga matang iyon sa aking panaginip. Napamura ko “cow dung” sabay hawak sa aking tagiliran at mapagtantong tumilapon pala ako sa damuhan dahil sa lakas ng bigwas niya sa balikat ko. Pinatawad ko na siya agad bago pa man siya nagsorry at tulungan ako na tumayo. Pakiwari ko’y nangyari na ito doon sa aking panaginip. Sasabihin kong “okay lang” at ngingiti siya ng pamatay na ngiti. Ngingiti rin ako at magngi-ngitian kami ng sampung segundo hanggang ma-realize naming mukha na kaming tanga. Naniniwala ako na tinadha talaga na mahulog niya ang kanyang asul na panyo na may nakadapong berdeng kulisap at maiwan niya ito sa damuhan. Pupulutin ko ito sa pag-aakalang iyon ang panyo ko ngunit nang nasa botika na ako at akmang ipupunas ang panyo sa aking sipon ay bigla akong mapapa “anak ng galunggong!” dahil mapagtatanto kong hindi akin ang panyo at wala akong pampunas ng tumutulo kong sipon. “Anak ng galunggong!” Isang ulit pa dahil sa sobrang pagkadismaya ngunit ilang saglit pa’y mapapangiti na parang baliw sabay pahid ng sipon sa pader.

Sabi ko na nga ba, kaya hindi niya agad tinanong ang pangalan at kinuha ang cellphone number ko noong nagkita kami ay dahil sa pagkabigla niya sa aming unang pagkikita. Hindi niya siguro lubos maisip na hayop sa ganda ang kanyang soulmate. Dyahe naman kung ako ang gagawa noon sa kanya. Dyahe naman kung ako pa ang mag-umpisa ng pick-up line gaya ng:

Kagawaran ka ba?

Bakit?

Kasi gusto ko lang isingit. Boooooom!

Bukas babalik ulit ako sa dating lugar, dating oras para iabot sa kanya ang kanyang panyo sabay hipo sa kanyang makinis na kamay. Pahihintulutan ko muli ang aking sarili na mamaligno sa kanyang angking kakisigan para sa pangalawang pagkakataon. Sa damuhan, magkikita kaming muli kasabay ng pagtugtog ng Suddenly It’s Magic ni Vesta Williams na background music. Para ano pang nagkabungguan kami, alas tres ng hapon, medyo mahangin, ‘di kainitan. Nagkapalitan ng panyo. Nagkapalitan ng tingin. Nagkapalitan ng ngiti. Para ano pa.

Kinabukasan, naroon na ulit ako sa dating lugar at oras, hawak ang asul niyang panyong may nakakakapit na berdeng kulisap. Mayroon pa ring mga nagpapalipad ng saranggola pero hindi ko matanaw ang nag-iisang mukhang bumihag sa akin. Sa tagal kong naghintay naiukit ko na ang salitang NAKAKAPAGPABAGABAG ng sampung boses sa lupa, nakapagkulangot na ng twenty times, nakapagpabula na ng laway ng endless times, ngunit anak ng pusang mahilig sa galunggong, kahit anino ng hibla ng buhok niya ni hindi ko man lang nasilayan.

Kinabukasan, taglay ang natatanging larawan niya sa aking alaala ay hinintay muli siya sa dating lugar at oras pero bakit ganoon, napagod lang ako sa pagbibilang ng damo sa damuhan, Ate Charie.

Kinabukasan hinintay ko muli siya, naniniwalang ang lahat ng bagay sa mundo ay hindi pawang mga aksidente lang ngunit malupit ang buhay, Ate Chara.

Ngayon, parang tanga akong naroon muli sa dating damuhan kung saan naganap ang una naming pagtatagpo. Nasinghot ko nang lahat ang amoy ng kanyang panyo pati ang berdeng kulisap nito. Kabaliwan. Kaabnormalan. Nasa’n na kaya siya ngayon? Maaaring nasa silid-aklatan at nakikipaghalikan sa seksing librarian katabi ng mga libro. Maaaring nasa Luneta at kaholding hands ang bayaning si Rizal. Maaaring hinatid na sa huling hantungan matapos masagasaan noong isang araw pagkatapos magpalipad ng saranggola. Maaaring kinasal na at imbitado ka. Ang buhay ay isang malaking coincidence. Isang malaking joke kung saan ang mga tao’y pilit nagbibigay ng bawat kahulugan sa mga pangyayari na kung tutuusin ay wala namang halaga. Tanggap ko na. Makauwi na nga.

Lahok para sa “Bagsik ng Panitik” contest ng Damuhan.

Advertisements